LIDER NG KILOS BULACAN, HINANAP UMANO NG MGA NAGPAKILALANG MILITAR
Hinanap umano ng anim na lalaki sa Malolos, Bulacan ang isa sa mga lider ng Kilos Bulacan na si Danilo Ramos, chairperson ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.
Ayon sa Tanggol Magsasaka, nangyari ito noong Setyembre 12. Naka-sibilyan umano ang anim na lalaki at una silang nagpakilalang mga magsasaka. Kalaunan, sinabi umano nila sa isang lokal na opisyal na kabilang sila sa militar.
Sinabi rin umano nilang nagmula sila sa General Headquarters. Isa sa kanila ang nagpakilalang “Master Sergeant Banjo.” Hiniling umano ng mga lalaki na makausap ang mga lokal na organisasyon ng mga magsasaka.
Samantala, may iba pang kalalakihang napansing nagmamasid umano sa mga bahay ng mga kamag-anak ni Ramos.
Noong Setyembre 14, tatlo sa anim na lalaki ang bumalik at muling nakipag-usap sa mga lokal na opisyal.
Ayon sa ulat, nagtanong sila tungkol sa mga organisasyon ng mga magsasaka sa lugar. Nangyari ang mga insidente ilang linggo matapos ang anti-corruption protest tungkol sa flood control scandal sa Malolos noong Agosto 31. Si Ramos ay isa sa mga nanguna sa nasabing pagkilos.
Kinondena naman ng Tanggol Magsasaka ang umano’y surveillance at panghihimasok sa mga organisasyon ng mga magsasaka.
Iginiit din nila ang karapatan ng mga magsasaka na mag-organisa at magprotesta.
Samantala, wala pang hiwalay na pahayag mula sa militar kaugnay ng mga alegasyon sa insidente. Patuloy namang isinusulong ng Kilos Bulacan ang kanilang mga panawagan kaugnay ng flood control projects at corruption issues sa lalawigan.

