Matagumpay na winasak ng Bureau of Customs sa Port of Subic ang limang container ng abandonadong sigarilyo upang maiwasan ang muling pagpasok ng mga ito sa merkado.
Bawat container ay may habang 40 talampakan at naglalaman ng iba’t ibang tatak ng sigarilyo.
ABANDONADONG SIGARILYO, DINUROG AT ITINAPON
Isinagawa ang kumpletong pagdurog sa mga produktong sigarilyo bago ang pinal na pagtatapon sa mga ito.
Layunin nitong pigilan ang muling paggamit, ilegal na pamamahagi, at pagbebenta ng mga nasabing produkto.
Pinangasiwaan ang operasyon ng Auction and Cargo Disposal Unit o ACDU, na pinamumunuan ni Atty. Danice Muñoz-Bagano.
Ayon sa Bureau of Customs, itinuring na abandonado ang mga sigarilyo alinsunod sa Section 1129(b) ng Republic Act No. 10863, o Customs Modernization and Tariff Act.
Binigyang-diin ni District Collector Atty. Geniefelle P. Lagmay ang kahalagahan ng wastong pagtatapon ng mga abandonadong produkto.
Ayon sa kaniya, ipinapakita ng operasyon ang pagsunod ng tanggapan sa batas at itinakdang proseso.

