Lisensya ng rider ang sinuspinde ng Land Transportation Office matapos ang road rage incident na ikinasugat ng isang walong taong gulang na batang babae sa Antipolo City.
Kaugnay ito ng viral na video ng isang lalaking rider at kanyang angkas na babae habang nagre-record ng video sa isa pang motorista habang umaandar.
Kasama din sa viral post ang isa pang video ng umiiyak na bata na duguan ang ulo na umano’y tinamaan ng matigas na bagay.
Naganap ang insidente noong Setyembre 21, 2026 sa M.L. Quezon Extension, malapit sa Nayon Silangan, Barangay Dalig.
Batay sa Antipolo Component City Police Station, nagsagawa agad ng cyberpatrolling at information gathering ang mga pulis.
Layunin nitong matukoy ang mga indibidwal na sinasabing sangkot sa insidente at dito ay nakilala ng pulisya ang dalawa.
LISENSYA NG RIDER, SINUSPENDE NG 90 ARAW
Samantala, iniutos ng Land Transportation Office ang paghahain ng Show Cause Order laban sa rehistradong may-ari ng motorsiklo at rider nito.
Inaatasan ang mga sangkot na humarap sa intelligence and investigation division ng LTO Central Office sa Setyembre 29.
Kailangan nilang magsumite ng kanilang mga sinumpaang salaysay at iba pang kinakailangang dokumento.
Kabilang sa iniimbestigahang paglabag ang reckless driving. Kasama rin ang paglabag sa Anti-Distracted Driving Act.
Sinisiyasat din ang mga paglabag kaugnay ng paggamit ng standard protective motorcycle helmet.
Samantala, sinuspinde nang 90 araw ang lisensya ng rider. Inilagay rin sa alarm status ang motorsiklong sangkot.
MGA SANGKOT SA INSIDENTE, PATULOY NA PINAGHAHANAP NG PULISYA
Ayon sa Antipolo Police, hindi na umano bumalik ang dalawang indibidwal sa kanilang inuupahang lugar matapos ang insidente.
Dahil dito, nagsagawa rin ng beripikasyon ang mga pulis sa Barangay Dela Paz. Sinasabing naroon ang mga kamag-anak ng babaeng suspek.
Napag-alaman umano na bago dumating ang mga pulis, nagtungo na roon ang dalawa.
Kinuha umano nila ang kanilang isang taong gulang na anak bago umalis. Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng pulisya sa ina ng biktima.
Kinokolekta ng mga awtoridad ang kanyang sinumpaang salaysay para sa pormal na pagsasampa ng reklamo.
IMBESTIGASYON SA ROAD RAGE INCIDENT, PATULOY
Patuloy ang imbestigasyon at paghahanap sa mga indibidwal na sinasabing sangkot sa insidente.
Ayon sa Antipolo Police, isinasagawa ang mga nararapat na hakbang alinsunod sa batas at due process.
Layunin nitong matukoy ang buong pangyayari. Kasama rin dito ang pananagutan ng sinumang mapatutunayang responsable.

