Muling pinaalalahanan ng Land Transportation Office (LTO) ang mga may-ari ng apat na gulong na sasakyan na hanggang ngayon ay gumagamit pa rin ng green plates at nagbayad na ng replacement plates noong 2015.
Ayon sa ahensya, maaari nang magtungo ang mga apektadong motorista sa pinakamalapit na tanggapan ng LTO upang ipasuri kung available na ang kanilang mga plaka.
Layunin ng paalala na mabawasan ang backlog sa mga hindi pa nakukuhang plaka at matiyak ang maayos na pagkakakilanlan ng mga sasakyan sa kalsada.
Paalala rin ng LTO na mahalagang updated ang plaka upang maiwasan ang abala sa checkpoints at mga transaksyon.
Hinikayat ang publiko na magdala ng kaukulang resibo at dokumento sa pag-check ng kanilang replacement plates.
Samantala, naglabas ang Land Transportation Office (LTO) ng isang memorandum na nag-aatas sa lahat ng aplikante ng duplicate na Certificate of Registration (CR) na magsumite ng Motor Vehicle Clearance Certificate mula sa Philippine National Police–Highway Patrol Group (PNP-HPG).
Ayon sa LTO, layunin ng bagong patakaran na palakasin ang seguridad ng mga may-ari ng sasakyan at maiwasan ang paglaganap ng carnapping sa bansa.
Ang naturang clearance ay karagdagang rekisito sa mga kasalukuyang dokumentong hinihingi ng ahensya.
Agad na ipatutupad ang panuntunan at awtomatikong pinawawalang-bisa ang mga naunang kautusang taliwas dito.
Pinapayuhan ang publiko na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na tanggapan ng LTO at PNP-HPG upang malaman ang proseso ng pagkuha ng clearance.

