Pinaiigting ng Land Transportation Office ang kampanya laban sa mga fixers upang matiyak ang malinis, patas, at transparent na serbisyo para sa publiko.
Ayon sa LTO, mahigpit na ipinagbabawal ang anumang uri ng fixing activity, mula man ito sa mga hindi empleyado o mismong kawani ng ahensya, alinsunod sa mga memorandum na inilabas ng pamunuan.
Nabatid kay Sherwin Mark Donesa, OIC, Nueva Ecija Licensing Center ng LTO. Aniya, patuloy ang mahigpit na pagbabantay ng mga security personnel sa loob at paligid ng tanggapan.
LTO PINAIIGTING ANG KAMPANYA KONTRA FIXERS, DIGITAL NA SERBISYO ITINUTULAK
Mayroon din umanong koordinasyon sa kapulisan para sa agarang aksyon laban sa mga mapang-abusong indibidwal.
Dagdag pa ni Donesa, isa sa mga dahilan kung bakit may ilang mamamayan pa ring lumalapit sa fixer ay dahil sa takot at paniniwalang mahirap ang proseso.
Giit niya, malinaw at simple lamang ang mga hakbang kung susundin ang tamang proseso na nakasaad sa Citizen’s Charter.
Binigyang-diin ng LTO na naka-display at available ang Citizen’s Charter sa kanilang mga tanggapan.
kung saan malinaw na nakasaad ang kumpletong requirements, tamang bayarin, at itinakdang oras ng bawat transaksyon.
Hinikayat din ang publiko na huwag matakot o mahiyang dumiretso sa opisina dahil hindi na kailangan ang fixer.
Maaari na rin anilang gamitin ang electronic driver’s license sa pamamagitan ng LTMS bilang alternatibo sa physical license.
Sa pamamagitan ng mga hakbanging ito, layon ng LTO na mapalakas ang tiwala ng publiko at tuluyang wakasan ang fixing sa ahensya.
Samantala, nagpaalala naman si Ma. Rosalie B. Escuadro, Chief ng LTO Cabanatuan City District Office, sa publiko na maging mapagmatyag.

