Pinatututukan ngayon sa Senado ang mataas na singil sa kuryente upang maprotektahan ang middle class.
Kaya inihain ni Senator Bam Aquino ang Senate Resolution 375 laban sa umano’y “unfair bill shock” sa Meralco rates.
Partikular na kinuwestiyon ng senador kung bakit ang mga middle-class consumers ang pumapasan ng subsidy para sa mga low-income households.
Ayon sa datos, nagdadagdag ito ng dalawampu hanggang isangdaang piso sa buwanang bayarin ng ordinaryong pamilya.
Iginiit ni Aquino na dapat manggaling sa national budget ang social subsidies at hindi ipinapasa sa consumers.
MATAAS NA SINGIL SA KURYENTE, SENTRO NG IMBESTIGASYON SA SENADO
Iminungkahi rin niya ang paggamit ng DSWD 4Ps list upang matiyak na target ang tunay na nangangailangan.
Sa pagdinig ng PROTECT (Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy) Committee, binigyang-diin ang hinaing ng “invisible middle class” na nagbabayad ng buwis ngunit walang natatanggap na ayuda.
Nilinaw ng senador na hindi aalisin ang tulong sa mahihirap kundi aayusin ang sistema ng paniningil.
Kasabay nito, itinutulak din niya ang “Kuryenteng Walang VAT Bill” upang alisin ang 12% VAT sa kuryente.
Target ng panukala na mapababa ang electricity cost para sa households at MSMEs at makatulong sa pag-ibsan ng inflation.

