FMC-NEUST researchers muling nagbigay ng karangalan sa Nueva Ecija matapos kilalanin sa isang internasyonal na kumperensiya.
Naiuwi nila ang “Best Research Presentation Award” sa Panday-Kabatiran 2026: 1st International Multidisciplinary Student Research Conference.
Tampok sa pag-aaral ng grupo mula sa Fort Magsaysay Campus ng Nueva Ecija University of Science and Technology ang kalagayan ng mga magsasaka sa Palayan City.
Bukod dito, tinalakay nila ang mahalagang papel ng farmers associations sa komunidad.
Pinamagatan nila ang kanilang research na “The Role of Farmers Association in the Economic Well-being of Farmers in Palayan City.”
Nakatuon ito sa mga magsasaka mula sa Barangay Langka at Barangay Doña Josefa.
FMC-NEUST RESEARCHERS, SINURI ANG KALAGAYAN NG MGA MAGSASAKA
Sa kanilang pag-aaral, natuklasan ng grupo ang kahalagahan ng farmers associations.
Ayon sa kanilang findings, mas napapansin ng ahensya ng gobyerno at nabibigyan ng suporta ang mga miyembro ng samahan, kumpara sa mga indibidwal na magsasaka.
Dahil dito, nakita ng grupo ang malaking epekto ng organisadong samahan. Nagbibigay ito ng mas maraming oportunidad sa mga magsasaka.
Bukod pa rito, mas mabilis silang nakatatanggap ng impormasyon at ayuda para sa mas produktibong paghahanapbuhay.
FMC-NEUST RESEARCHERS, HINARAP ANG MARAMING HAMON
Hindi naging madali ang isinagawang pananaliksik ng grupo. Kinailangan nilang bumiyahe sa matataas at liblib na lugar.
Kabilang sa kanilang respondents ang mga indigenous peoples tulad ng Aeta at Igorot communities. Gayunpaman, naging hamon ang language barrier sa ilang panayam.
Mas bihasa kasi sa Ilocano at Sambal ang ilan nilang respondents kaysa Tagalog. Sa kabila nito, nagpatuloy ang grupo sa kanilang misyon.
Ayon kina Adelnor Escaño, Jessica Cabiso, Shirly Miranda, Jenny Joy Allen, at kanilang mga kagrupo, naging inspirasyon nila ang hangaring makatulong sa komunidad.
FMC-NEUST RESEARCHERS, NAIS HIKAYATIN ANG KABATAAN SA AGRIKULTURA
Bahagi ng kanilang rekomendasyon ang pagpapatuloy ng organizational development plan para sa mga magsasaka.
Nais din nilang magkaroon ng seminar tungkol sa traditional at modern farming methods.
Sa pamamagitan nito, umaasa silang mahihikayat ang mas maraming kabataan na pumasok sa agrikultura. Naniniwala silang mahalaga ang papel ng kabataan sa pag-unlad ng sektor ng pagsasaka.
“Bago tumulong sa malayo, tumulong muna sa sariling komunidad,” ani Shirly Miranda.
Ibinahagi rin ng grupo ang pasasalamat sa kanilang research adviser na si Rochelle Ann Mata Castillo. Pinasalamatan din nila ang kanilang mentors at campus administrators.
Higit sa tropeo, naging simbolo ng kanilang tagumpay ang pagbibigay-boses sa mga magsasaka. Dahil dito, napatunayan nilang kayang maging tulay ng tunay na pagbabago ang pananaliksik ng kabataan.

