Sa nalalapit na Araw ng mga puso, inaasahang mas marami ang bibili ng mga paboritong kakanin bilang handog sa kanilang mga mahal sa buhay.
Matatagpuan sa Barangay ng Kapitan Pepe, sa loob ng Cabanatuan City Public Market, ang Marina’s Kakanin, Putong Aduas na isa sa mga kilalang tindahan ng tradisyunal na kakanin sa lungsod.
Sa presyong nagsisimula sa P50 hanggang P1,300, abot-kaya at swak sa iba’t ibang okasyon ang kanilang mga produkto, mula sa pang-araw-araw na pasalubong hanggang sa mga espesyal na pagdiriwang.
Isa sa kanilang pangunahing inaalok ay ang puto na nakalagay sa bilao, na maaaring i-order depende sa laki at pangangailangan ng customer.
Pinaka-popular naman at ipinagmamalaki ng kanilang tindahan, ang kalamay Aduas.
Bukod dito, marami pang pagpipilian ng iba’t ibang kakaning Pilipino na tunay na abot-kaya. Dahil sa halagang P50 bawat styro, matitikman mo na ang mga paboritong kakanin tulad ng: pichi-pichi, kutsinta, tibok-tibok, kalamay-ube, maja, sapin-sapin, at marami pang iba.
Ayon sa Marina’s Store, dekada na sa industriya ng paggawa at pagtitinda ng kakanin ang Marina’s Kakanin, ang Putong Aduas.
Isa umano itong pamanang negosyo na nagsimula pa sa kanilang mga ninuno at ipinasa sa mga anak at apo. Sa loob ng mahabang panahon, ang paggawa ng kakanin ang nagsilbing, kanilang pangunahing kabuhayan o bread and butter.
Sa kulturang Pilipino, mahalagang bahagi ng mga tradisyon, handaan, at okasyon ang paghahain ng kakanin at patuloy itong pinananatili ng Marina’s Kakanin sa pamamagitan ng lasa at kalidad na kinalakihan na ng maraming henerasyon.
Bukas ang Marina’s Kakanin araw-araw, at tumatanggap ng walk-in customers pati na rin ng delivery orders, kaya’t mas madali para sa mga customer na matikman ang kanilang masasarap at tradisyunal na kakanin.

