Arestado sa pangingil o extortion ng P50,000 extortion ang municipal engineer ng San Simon, Pampanga, matapos ang entrapment operation ng pulisya.

Dinakip ang opisyal noong Nobyembre 4, bandang alas-3:45 ng hapon, sa loob mismo ng Engineering Office ng San Simon Municipal Hall.

Pinangunahan ito ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG, katuwang ang iba pang unit ng Philippine National Police at Anti-Red Tape Authority.

Batay sa imbestigasyon, humingi umano ang suspek ng karagdagang 50 thousand pesos mula sa isang 43-anyos na residente at negosyante.

Ito ay kapalit ng pag-isyu ng dalawang Certificate of Non-Coverage at pagproseso ng building permit para sa warehouse at apartment project.

Nagbayad na umano ang complainant ng malaking halaga sa ilalim ng napagkasunduang package deal.

Gayunman, naningil pa umano ang engineer ng karagdagang bayad at nagbantang ipasasara ang warehouse kapag hindi ito naibigay.

Narekober sa operasyon ang marked money, boodle money, acknowledgment receipt, identification card ng suspek, at isang cellphone.

Nahaharap ang engineer sa mga kasong paglabag sa Ease of Doing Business Act, robbery-extortion, at iba pang kaugnay na paglabag sa batas.