Babala! Sensitibong Balita:
Sangkot umano sa ilegal na droga ang Nigerian nationals na dinakip ng pulisya sa Pampanga.
Ayon sa Police Regional Office 3, kasunod ito ng pagkakaaresto sa isang Nigerian national sa buy-bust operation sa Barangay Balibago, Angeles City.
Sa naunang operasyon, nasamsam ang 3,510 hinihinalang ecstasy tablets na nagkakahalaga ng halos anim na milyong piso.
DALAWA PANG NIGERIAN NATIONALS, KASABWAT UMANO SA DROGA KAYA DINAKIP
Ayon kay PRO3 Director Police Brigadier General Jess Mendez, residente rin ng Mabalacat ang dalawang bagong arestadong suspek na Nigerian nationals din.
Itinuturing din silang mga high-value individual sa kampanya kontra ilegal na droga.
Nasamsam sa kanila ang 12 gramo ng hinihinalang marijuana, isang gramo ng hinihinalang high-grade marijuana o kush, at 60 hinihinalang ecstasy tablets.
Tinatayang ₱104,940 ang halaga ng mga nakumpiskang droga sa ikalawang operasyon.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang dalawang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, pinalalakas pa ng PRO3 ang intelligence operations upang matukoy ang pinagmumulan ng hinihinalang ilegal na droga at ang ugnayan ng mga suspek.

