Nueva Ecija may bagong Provincial Government’s own Local Infrastructure Audit (LIA) App na layong pabilisin ang pagsusuri at dokumentasyon ng mga gusali.
Inaprubahan sa ika-52 regular na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan ang kahilingan ni Governor Aurelio M. Umali na lumagda sa isang Memorandum of Agreement.
Kasama sa kasunduan ang Department of the Interior and Local Government Region III at Philippine Institute of Volcanology and Seismology.
NUEVA ECIJA, MAY BAGONG SISTEMA PARA SA HAZARD DATA
Ayon kay Engr. Gilbert Domingo, Engineer III ng Provincial Engineering Office at LIA App Developer, nagmula ang sistema sa infrastructure audit tool ng DILG na gumagamit noon ng Excel.
Ani Domingo, umaabot ng halos kalahating araw ang manual na proseso, kasama ang aktuwal na inspeksyon, pagsusulat at muling paglalagay ng datos sa Excel.
Dahil dito, nagkaroon ng ideya na gawing digital ang proseso, sa bagong app, maaaring ilagay ang inspection details gamit ang mobile device habang nasa field.
Dagdag pa niya, awtomatiko rin nitong nakukuha ang geo coordinates ng gusali.
NUEVA ECIJA, MAY APP NA GUMAGAWA NG REPORT SA FIELD
Sinabi pa ni Domingo, maaaring makapag-inspect at makagawa ng report sa loob ng limang minuto.
Kumokonekta rin ang app sa hazard data ng PHIVOLCS.
Aniya, mahalaga ito sa pagsusuri dahil kailangang malaman ang mga hazard na maaaring tumama sa isang gusali.
NUEVA ECIJA, POSIBLENG PALAWAKIN ANG GAMIT NG APP
Sinubukan na aniya ang app sa iba’t ibang munisipalidad sa Nueva Ecija.
Maaari rin aniya itong gamitin sa Disaster Risk Reduction And Management, dahil makikita dito ang mga gusaling vulnerable o may pinsala.
Maaari rin itong makatulong sa pagtukoy ng mga gusaling maaaring gawing evacuation center.
Samantala, sinabi din ni Domingo na nais ng DILG Region III na magamit ang sistema sa Central Luzon.
Sinusuri rin aniya ito ng DILG National para sa posibleng paggamit sa iba pang bahagi ng bansa.

