Nakatanggap ng pondo na nagkakahalaga ng P2 million hanggang P5 million ang ilang Local Government Unit (LGU) at kooperatiba ng magsasaka sa Nueva Ecija mula sa Kadiwa Financial Grant Assistance Program ng Department of Agriculture (DA).
Ang naturang assistance ay naglalayong palakasin ang sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng pagbibigay ng karagdagang kagamitan, maayos na pasilidad, at transportasyon.
Ayon kay Acting Provincial Agriculturist Engr. Jovita Agliam, ang programa ay patunay ng magandang ugnayan ng Pamahalaang Panlalawigan at Department of Agriculture.
ILANG BENEPISYARYO NG KADIWA GRANT ASSISTANCE, GAGAMITIN ANG PONDO PAMBILI NG CHILLER VAN
Sa ginanap na ceremonial turn-over, kabilang sa mga tumanggap ng pondo ang lokal na pamahalaan ng Palayan City, Llanera, Sta. Rosa, Guimba, San Leonardo, Rizal, at Science City of Muñoz.
Ayon kay Palayan City Councilor Julius Bautista, magpapagawa sila ng chiller van para sa transportasyon ng mga madaling masirang ani.
Magkakaroon din aniya ng mga mobile cart upang mailapit ang mga produktong agrikultura sa mga mamamayan at mas mabilis na maibenta ang mga ito.
KADIWA GRANT ASSISTANCE BENEFICIARY, MAGKAKAROON NA NG DELIVERY VEHICLE
Bukod sa mga lokal na pamahalaan, nakatanggap din ng tulong ang mga kooperatiba tulad ng Laur Farmers Agriculture Cooperative na gagamitin umano ang pondo para sa delivery vehicle.
Naging benepisyaryo din ang Viva Sto. Niño Agriculture Cooperative, Kilusang Lima para sa Lahat Multipurpose Cooperative, at Grano De Oro Multipurpose Cooperative.
KADIWA GRANT ASSISTANCE, MAHALAGA PARA SA MGA BENEPISYARYO
Personal na dumalo sa seremonya si Vice Governor Gil Raymond Umali upang ipaabot ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa Department of Agriculture.
Ayon kay Vice Governor, malaking bagay ang tulong na ito upang matupad ang layunin ni Governor Aurelio Umali na suportahan ang mga magsasakang Novo Ecijano.
NUEVA ECIJA, PINAKAMATAAS ANG BILANG NG MGA BENEPISYARYO
Samantala, ayon kay Carmencita Nogoy, Chief ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD), umabot na sa mahigit P400 million ang kabuuang suportang inilabas para sa Kadiwa grant Assistance sa Central Luzon.
Inihayag din niya na ang lalawigan ng Nueva Ecija ang may pinakamaraming naging benepisyaryo sa buong rehiyon.

