Pabahay ng DOTr ang naging susi para magkaroon ng disente at sariling tahanan ang mga pamilyang naapektuhan ng North-South Commuter Railway (NSCR).
Dahil sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., inilipat ang mga residente sa mga maayos na resettlement sites upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
Ayon kay Transportation Secretary Banoy Lopez, mayroong siyam na relocation sites na pinondohan sa Pampanga, Bulacan, at Laguna.
Bukod sa de-kalidad na tirahan, ang bawat unit ay may sapat na suplay ng kuryente at tubig para sa mga pamilya.
Sa kasalukuyan, mayroong 312 na pamilya ang nakalipat na sa San Fernando View Residences Phase 3 sa Pampanga.
Ayon kay DOTr Assistant Secretary IC Calaguas, kumpleto ang bawat bahay dahil may sarili itong kwarto, banyo, dining, at living areas.
Bukod dito, binibigyan din ng pamahalaan ng pangkabuhayan ang mga residente upang magkaroon sila ng sariling kita.
Samantala, layunin ng 147-kilometer NSCR project na pagdugtungin ang Clark International Airport sa Pampanga at Calamba sa Laguna sa hinaharap.
Sa oras na matapos ito, ang dating apat na oras na biyahe ay magiging dalawang oras na lamang para sa mga pasahero.
Bukod sa mabilis na transportasyon, magbibigay din ang proyekto ng humigit-kumulang 350,000 na trabaho habang itinatayo ang mga stations nito.

