Pagkakaibigang walang hanggan ang ipinakita ng magkakaibigang nagbalik sa kanilang simpleng bonding at nag-roadtrip sakay ng isang lumang kuliglig.

Viral ngayon sa Facebook ang post ni Biyahe ni Lakay kung saan makikita sa video ang magkakaibigan na magkakasama habang sakay ng hand tractor.

Umani na ito ng mahigit 16 million views sa platform, umabot din sa mahigit 10,000 ang comments at 32,000 shares.

Ayon umano sa isa sa magkakaibigan na si Russell Noynay, nagsimula ang kanilang bonding sa simpleng pagtambay sa bahay ng isang kaibigan.

Napag-usapan umano nila ang kanilang mga dating gawain at trip bilang magkakaibigan.

Dahil dito, naisipan nilang balikan ang ilan sa masasayang karanasan nila noon.

Nagkataon naman na may lumang kuliglig ang ama ng isa nilang kaibigan.

Kaya naman naisipan nilang gamitin ito para sa kanilang roadtrip at foodtrip.

Mula Calasiao, Pangasinan, bumiyahe ang grupo sakay ng lumang hand tractor, patungong San Carlos bilang bahagi ng kanilang simpleng lakad.

Pagdating doon, kumain sila sa isang fast food chain.

Ayon pa kay Russell, hindi naman umano nagalit ang mga kapitbahay sa ingay ng kuliglig.

Hindi rin umano nagalit ang may-ari nito sa kanilang paggamit.

Para kay Russell, naging masaya at memorable ang kanilang simpleng roadtrip. Aniya, hindi nila makakalimutan ang naturang karanasan bilang magkakaibigan.

Ibinahagi rin niya ang mensahe para sa bagong henerasyon. Hinikayat niya ang mga kabataan na lumabas at makipagkaibigan.

Sa halip na puro gadgets, nais niyang masanay ang mga ito sa aktuwal na bonding kasama ang mga kaibigan.

Samantala, patuloy na umaani ng atensyon at positibong mga komento sa online ang kanilang video.