Sa kabila ng halos 1,400 kilometers distance, matagumpay na naoperahan ng mga doktor sa Pampanga ang isang pasyente sa Cotabato City gamit ang Robotic Telesurgery at internet.

Kasabay nito, inoperahan din ng mga surgeons mula Cotabato ang isa pang pasyente na nasa loob naman ng ospital sa Pampanga.

Pinatunayan ng JBLMGH o Jose B. Lingad Memorial General Hospital sa San Fernando, Pampanga na kaya nitong makasabay sa makabago at modernong medisina.

Ginamit ng mga doktor ang SSI Mantra Robotic Surgery System mula sa bansang India upang maisagawa ang magkahiwalay na operasyon sa pag-alis ng apdo o cholecystectomy.

Sa pamamagitan ng Robotic Telesurgery, pinangunahan ni Dr. Ryan Quiambao ng JBLMGH ang operasyon sa pasyenteng nasa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC).

Habang sina Dr. Al-Jazzer Angas at Dr. Louis Gerard Agustin naman ng CRMC ang nag-opera sa pasyenteng nasa loob ng JBLMGH.

Dahil sa mabilis na internet at maayos na koordinasyon, ligtas na natapos ang mga operasyon nang wala pang isang oras.

Ayon sa press release ng JBLMGH, naging mabilis ang paggaling ng mga pasyente dahil kaunting dugo lamang ang nawala sa kanila habang inooperahan.

Personal na sinaksihan ni DOH Secretary Edwin Mercado at Pampanga Governor Lilia Pineda ang makasaysayang kaganapang ito.

Dumalo rin ang nag-imbento ng SSI Mantra Robotics na si Dr. Sudhir Shrivastava mula sa India, kasama ang mga eksperto na nagpanatili ng maayos na internet connection.

Ayon kay Dr. Al-Jazzer M. Angas, head ng Robotic Surgery Program and Training Officer, mas ligtas ang robotic surgery.

Dahil sa tagumpay na ito, hindi na kailangang maglakbay nang malayo ng mga pasyente para lamang makapagpa-opera.