Pitong-anyos na aso na si Alfonso ang pumanaw matapos makipaglaban sa distemper.
Emosyonal ang kaniyang fur parent sa kanilang huling sandali. Mahigpit nitong niyakap si Alfonso habang patuloy ang pag-iyak.
PITONG TAONG GULANG NA ASO, ITINURING NA PARANG ANAK
Para sa fur parent na si Jomar, hindi lamang basta alagang hayop ang aso, itinuring niya itong parang sariling anak.
Naging kasama niya ito sa mga panahong pagod at stress siya mula sa trabaho.
Ayon sa impormasyong ibinahagi niya sa kanyang post, agad nilang dinala sa ospital si Alfonso nang lumitaw ang mga sintomas ng distemper.
Sinabi umano ng doktor na 50-50 ang posibilidad na mabuhay ang aso, gayunman, ginawa nila ang lahat upang mailigtas ito.
Bumili sila ng mga gamot, bitamina at iba pang kailangan sa gamutan. Kalaunan, iniuwi nila si Alfonso upang maalagaan sa bahay.
PITONG TAONG GULANG NA ASONG SI ALFONSO, YAKAP NG KANYANG FUR DAD SA KANYANG HULING SANDALI
Sa kabila ng pag-aalaga, patuloy umanong lumakas ang hindi makontrol na pagkilos ng katawan ni Alfonso.
Sa huli, hindi na nakaligtas ang pitong taong gulang na aso at tila nawalan daw ng anak ang fur parent.
Mas naging mabigat din ang pamamaalam dahil hindi siya nakauwi sa oras. Sinabi niyang uuwi siya mula Maynila sa Sabado.
Gayunman, hindi na niya naabutan ang kaniyang alaga. Sa video, maririnig ang paghingi niya ng tawad habang yakap si Alfonso.
FUR DAD, MAY MENSAHE PARA SA MGA NAG-AALAGA NG ASO
Ipinaliwanag ng fur parent kung bakit niya ibinahagi ang kanilang karanasan online.
Nais niyang paalalahanan ang ibang pet owners na pahalagahan ang kanilang mga alaga habang kasama pa nila ang mga ito.
Samantala, maraming netizen ang nakiramay sa pagkawala ni Alfonso. May ilan ding nagbahagi ng kanilang sariling karanasan sa pagkawala ng mga alaga.
May mga netizen din na nagpaalala tungkol sa pagiging nakahahawa ng distemper sa mga aso.
Iminungkahi ng ilan ang pag-iingat at pagdidisimpekta upang maprotektahan ang iba pang alagang hayop sa bahay.

