Sinuri ng Department of Transportation (DOTr) ang mga relocation sites sa Pampanga para sa mga pamilyang naapektuhan ng North-South Commuter Railway (NSCR).
Layunin ng NSCR na magtayo ng mabilis, may mataas na kapasidad, at maaasahang mass transit backbone.
I-uugnay ng proyektong ito ang Central Luzon, Metro Manila, at CALABARZON.
Ngunit, sa kabila ng pagpapa-unlad sa transaportasyon ay naapektuhan ang mga residential area na pinagtayuan ng NSCR.
Kaya kamakailan, ay nagsagawa ng inspeksyon si DOTr Assistant Secretary IC Calaguas sa lungsod ng Angeles at bayan ng Mexico.
Ito ay upang matiyak ang maayos na pagtatayo ng mga pabahay para sa mga apektadong residente bago sumapit ang target na taong 2027.
Ayon kay Transportation Secretary Banoy Lopez, bilin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbibigay ng maayos na lilipatan ng mga residente.
RELOCATION SITES SA PAMPANGA, ITINATAYO SA MEXICO AT ANGELES CITY
Apat na low-rise buildings na may 288 housing units ang itinayo sa San Fernando View Residences sa Mexico, Pampanga.
Nakatakdang matapos ang Phase 1 at 2 nito sa November 2026, habang ang Phase 4 naman ay sa November 2027.
Samantala, itinatayo naman sa Angeles City ang kauna-unahang medium-rise relocation site ng lungsod.
Mayroon itong 615 housing units sa apat na palapag na gusali na inaasahang matatapos sa December 2027.
MGA LOKAL NA PAMAHALAAN, BUO ANG SUPORTA SA RELOCATIONS SITES SA PAMPANGA
Nagpahayag ng buong suporta sina Mexico Mayor Rodencio Gonzales at Angeles City Mayor Carmelo Lazatin II sa relocation sites sa Pampanga.
Ayon sa mga alkalde, malaking tulong ang NSCR at ang murang pabahay upang hindi na maging informal settlers ang mga residente.

