Senior discount at promotional discount, hindi maaaring pagsabayin sa iisang produkto o serbisyo, ayon sa Korte Suprema.
Noong Oktubre 14, 2026, pinawalang-sala ng Korte Suprema si Orville U. Ong, general manager ng isang hotel sa Bacolod City.
Kinasuhan si Ong matapos umanong tumangging magbigay ng karagdagang diskuwento kina Atty. Paul S. Alcazaren, 66, at Eric Gadiana, 70.
Depensa ni Ong, mayroon nang 20% diskuwento ang kuwartong kinuha ng dalawa sa hotel.
Nakabatay ang diskuwento sa napagkasunduang halaga ng hotel at Cebu Bikers Club, kung saan miyembro ang dalawang senior citizen.
Ayon sa hotel, awtomatikong ibinawas ang diskuwento sa kabuuang bayarin kaya hindi na ito hiwalay na nakasaad sa resibo.
SENIOR DISCOUNT: PROMO O 20% DISKUWENTO?
Ayon sa Korte Suprema, maaaring pumili ang mga senior citizen sa pagitan ng promotional discount at mandatoryong 20% diskuwento.
Gayunman, hindi maaaring pagsabayin ang dalawang diskuwento sa iisang produkto o serbisyo.
Maaaring piliin ng senior citizen kung alin sa dalawa ang mas makatitipid siya.
Ipinaliwanag ng korte na layunin ng Senior Citizens Act na protektahan at suportahan ang mga nakatatanda.
Binigyang-diin din ng hukuman na dapat maging patas at makatwiran ang pagpapatupad ng batas para sa mga senior citizen at negosyo.
SENIOR DISCOUNT: SC, BINALIGTAD ANG MGA NAUNANG HATOL
Una nang hinatulang guilty si Ong ng Municipal Trial Court in Cities, Regional Trial Court, at Court of Appeals.
Gayunman, binaligtad ng Korte Suprema ang mga naunang hatol at pinawalang-sala ang hotel manager.
Nagmula ang kaso sa reklamo ng dalawang senior citizen matapos umanong tanggihan ng hotel ang kanilang hiling na dagdag na diskuwento.

