Bunsod ng walang tigil na pag-ulan dahil sa Habagat, idineklara ang State of Calamity sa buong lalawigan ng Pampanga at bayan ng Calumpit sa Bulacan.
Sa Pampanga, pinagtibay ng lokal na pamahalaan ang Resolution No. 10524 o ang pagdedeklara sa buong lalawigan sa State of Calamity.
Sa Facebook post ng Pampanga PIO, pumalo na sa 860,076 indibidwal o 269,775 pamilya ang naapektuhan ng masamang panahon.
Naitala ang pagbaha sa 297 barangay sa sakop ng 17 Local Government Units (LGUs) sa buong probinsya.
Dahil sa patuloy na pagtaas ng tubig, humigit-kumulang 7,731 katao ang kinailangang ilikas patungo sa mga evacuation center.
Samantala, nauna nang idineklara ang State of Calamity sa bayan ng Calumpit matapos bahain ang lahat ng 29 na barangay sa nasabing bayan.
Ayon sa official Facebook po ni Calumpit Municipal Mayor Lem Faustino, umabot sa 154,961 indibidwal o 46,498 pamilya ang naperwisyo ng pagbaha.
Ipinapatupad ang State of Calamity declaration kapag may matinding pinsala sa kabuhayan at imprastraktura ang dumarating na kalamidad.
Ayon sa Republic Act 10121 o ang Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010, nagpapatupad ito ng price freeze at agad na paggamit ng calamity funds.
Dahil dito, inaasahang mapapabilis ang emergency response at pamamahagi ng tulong sa mga apektadong residente.

