Naghahanda ang Department of Education (DepEd) ng mga panuntunan para maprotektahan ang mga mag-aaral laban sa matinding init at posibleng kakulangan sa tubig dulot ng Super El Niño sa School Year 2026–2027.
Nakatakdang maglabas si Education Secretary Sonny Angara ng mga panuntunan para sa School Year 2026–2027. Layunin nitong mapanatili ang pagkatuto habang inuuna ang kalusugan at kaligtasan ng mga mag-aaral.
Ayon sa PAGASA, maaaring lumakas ang El Niño bago matapos ang 2026 at magpatuloy hanggang unang kalahati ng 2027.
SUPER EL NIÑO, TUTUGUNAN SA PAMAMAGITAN NG 4H FRAMEWORK
Gagamitin ng DepEd ang 4H framework na binubuo ng Hayo, Hinay, Hinga at Hinto. Sa Hayo, magpapatuloy ang face-to-face classes na may regular na water breaks at pahintulot sa mas preskong kasuotan. Lilimitahan din ang mga aktibidad sa ilalim ng matinding sikat ng araw.
Sa Hinay, maaaring paikliin o baguhin ang iskedyul ng klase at gumamit ng home-based o hybrid learning.
Sa Hinga, babawasan ang mga gawaing pang-akademiko kapag matindi ang init o kulang ang tubig. Maaari ring gumamit ng learning modules at mga aralin sa DepEd TV at radyo.
Sa Hinto, sususpindihin ang mga gawaing pang-akademiko kapag mapanganib na ang kondisyon ng init.
SUPER EL NIÑO, PAGHAHANDAAN NG MGA PAARALAN ANG POSIBLENG KAKULANGAN SA TUBIG AT PAGKAIN
Inaatasan ang mga paaralan na suriin ang bentilasyon, suplay ng tubig at kuryente, at panganib ng sunog. Maghahanda rin sila ng learning materials para sa alternatibong pag-aaral.
Samantala, maghahanda ang DepEd ng alternatibong menu at reserbang pagkain sa ilalim ng School-Based Feeding Program.
Makikipag-ugnayan din ang mga paaralan sa mga lokal na pamahalaan at kooperatiba upang matiyak ang suplay ng pagkain. Binigyang-diin ng DepEd na hindi maaaring obligahing gumastos ang mga magulang para sa cooling equipment, internet connection o espesyal na kasuotan.
Hindi dapat gawing kondisyon ang mga ito para makalahok ang mga mag-aaral sa flexible learning. Sa pamamagitan ng mga hakbang na ito, layunin ng DepEd na mapanatiling ligtas ang mga mag-aaral at maipagpatuloy ang edukasyon sa panahon ng El Niño.

