Babala! Sensitibong Balita:
Naaresto ang pangunahing suspek sa pamamaril sa Barangay Longos, Calumpit, Bulacan, wala pang 12 oras matapos ang insidente noong Biyernes, Oktubre 9.
Nasugatan sa insidente ang isang 32-anyos na lalaki dakong alas-8:25 ng umaga.
Una rito, agad nagsagawa ng hot pursuit operation ang Calumpit Municipal Police Station sa tulong ng iba’t ibang yunit ng pulisya. Ito ay sa ilalim ng JBM Kuyog System ng Police Regional Office 3.
Gamit ang kuha ng mga CCTV camera at intelligence reports, nasubaybayan ang kilos ng suspek. Sinimulan sa Calumpit hanggang Malolos City, hanggang natunton siya sa Angeles City, Pampanga.
Dakong alas-7:15 ng gabi, inaresto ang pangunahing suspek sa Barangay Cutcut, Angeles City.
Narekober mula sa kanya ang isang kalibre .45 na baril na pinaniniwalaang ginamit sa pamamaril, pati ang motorsiklong umano’y ginamit sa pagtakas.
Arestado rin ang isa pang indibidwal na umano’y tumulong sa pagtakas ng pangunahing suspek.
Pinuri ni PRO3 Director Brigadier General Jess B. Mendez ang mga operatiba. Iniugnay ang mabilis na pagkakaaresto sa koordinasyon at maagap na pagbabahagi ng impormasyon.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong frustrated murder at paglabag sa Republic Act 10591, o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

