Pinaghahandaan na ng pamahalaan ang “Super El Niño” sa pamamagitan ng pagbawas sa alokasyon ng tubig sa mga sakahan at kabahayan ngayong Oktubre.
Ayon sa National Water Resources Board (NWRB), kabilang sa epekto ng Super El Niño ang mas mababang tyansa ng pag-ulan, na makakaapekto sa Angat Dam na dumedepende sa rainwater para maging maayos ang water level.
Dahil dito, makararanas ng mas mababang suplay ng irigasyon ang halos 31,000 ektarya ng mga sakahan sa Bulacan at Pampanga.
SUPER EL NIÑO, MAKAKAAPEKTO SA PAGPAPATUBIG SA MGA SAKAHAN
Ang Angat Dam sa Norzagaray, Bulacan ang pangunahing pinagkukunan ng tubig sa malaking bahagi ng Central Luzon at National Capital Region.
Bukod sa pagpapatubig sa mga sakahan, nagpapadaloy rin ito ng halos 90 hanggang 98 porsyento ng tubig sa Metro Manila.
Kaya paliwanag ng NWRB, kailangang i-budget ang kasalukuyang suplay upang maiwasan ang krisis sa mga susunod na araw.
SUPER EL NIÑO, MAGDUDULOT NG MAS MABABANG PAG-ULAN SA LUZON
Ayon sa Department of Science and Technology – Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA), ito na ang posibleng pinakamainit na panahon sa kasaysayan ng Pilipinas.
Inaasahan kasi ang biglang paglipat sa dry spell o drought na magdudulot ng 40% hanggang 60% na pagbaba ng rainfall sa Luzon.
Sa datos ng ahensya, nananatiling maayos ang antas ng tubig sa Angat Dam matapos makabawi mula sa mga nagdaang pag-ulan.
Gayunpaman, kailangan pa rin umano ng sapat na imbak upang maabot ang target level bago matapos ang taon at mapaghandaan ang nagbabadyang tagtuyot.
MGA ALTERNATIBONG PARAAN, IMINUNGKAHI NG PAMAHALAAN SA MGA MAGSASAKA
Dahil dito, nagpatupad na ang NWRB at National Irrigation Administration ng pagbabawas sa water allocation para sa irigasyon.
Magdudulot ang hakbang na ito ng pagbabago sa irrigation schedule ng mga sakahan sa rehiyon.
Upang mabawasan ang epekto sa mga magsasaka, inirerekomenda ang paggamit ng solar-powered irrigation pumps at paggamit ng groundwater reserves.

