Wanted sa Attempted Murder Arestado sa Plaridel, Bulacan, ang isang 33-anyos na lalaki na wanted sa kasong attempted murder at iniulat na sangkot sa bentahan ng baril at granada.
Ayon sa Bulacan Police Provincial Office, naaresto ang suspek na si alyas “Filo,” dakong alas-11:20 ng gabi noong Oktubre 23, sa Barangay Sto. Niño, Plaridel.
Sa naunang operasyon, nahuli umano siyang nagbebenta ng kalibre .38 na rebolber kapalit ng tatlong libong piso. Nakumpiska rin ang isang granada, perang ginamit sa operasyon, at isang brown sling bag.
Naisilbi rin sa suspek ang warrant of arrest para sa kasong attempted murder, na may inirekomendang piyansang ₱120,000.
Nahaharap din siya sa mga kasong paglabag sa mga batas hinggil sa regulasyon ng baril at mga eksplosibo.
Ayon sa Bulacan Police, patuloy nilang isinusulong ang mga operasyong naaayon sa batas upang mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan ng publiko.

