Babala! Senstibong Balita:
Inaresto ng Norzagaray Municipal Police Station ang dalawang suspek na sumugod sa bahay ng nakaalitan sa kalsada.
Kinilala ang biktima sa alyas na “Eco,” 22-anyos at residente ng Sitio Roga, Brgy. Minuyan, Norzagaray, Bulacan.
Habang ang mga naarestong suspek ay sina alyas “Bri,” 31-anyos, at alyas “Bert,” residente ng Brgy. Minuyan. Samantala, tinutugis pa ang isa pang suspek na kinilalang si alyas “JC.”
Nangyari ang insidente na nakuhanan ng video bandang alas-4:00 ng hapon noong Mayo 3, 2026.
MGA SUSPEK NA SUMUGOD SA BAHAY NG NAKAALITAN SA KALSADA, NAKUHANAN NG VIDEO
Sa kuhang video ni Joseph Supan, makikita ang ilang mga kalalakihan na nasa harapan ng isang bahay.
Isa sa lalaki ay may hawak na baril. Habang ang ilan pa ay kinakalabog ang pinto at sasakyan ng may-ari ng bahay.
Ayon kay PMAJ Demosthenes G. Desiderio Jr., mabilis na rumesponde ang mga pulis sa lugar.
Batay sa imbestigasyon, sinundan umano ng mga suspek ang biktima matapos ang sideswiping incident. Nauwi umano ang komprontasyon sa mainitang pagtatalo at physical altercation.
Bago umalis, pinagbantaan umano ng mga suspek ang biktima at kanyang pamilya. Makalipas ang ilang minuto, bumalik ang mga suspek kasama ang armadong lalaki. Nagtago ang biktima habang winawasak ang kanyang sasakyan at ilang bahagi ng bahay.
Nakita rin umano ang isang suspek na nanutok ng baril sa isang witness. Humingi agad ng tulong sa barangay officials at pulisya ang concerned residents sa lugar kaya agad nahuli ang mga suspek.
Kinasuhan sila ng Trespass to Dwelling, Grave Threat, at Malicious Mischief.

