Malaking pinsala ang idinulot ng gumuhong gusali sa Angeles City, Pampanga matapos itong biglaang bumagsak noong nakaraang Linggo.
Bago ang insidente, nagpalabas na noong September 2025 ng work stoppage order ang Department of Labor and Employment (DOLE) laban sa gusali.
Ayon kay DOLE Region 3 Director Geraldine Panlilio, ipinatupad ito dahil sa mga paglabag ng kontratistang Golden Years Construction and Steelworks.
Nang mag-inspeksyon ang mga labor inspector, hindi sila pinapasok sa site kaya agad nilang ipinasara ang proyekto noon.
Bukod dito, may ulat din na hindi binabayaran ng kompanya ang mandatory benefits tulad ng Social Security System (SSS) at PhilHealth.
Maliban pa rito, nakitaan ang site ng kakulangan sa personal protective equipment tulad ng hard hats at boots.
Wala ring safety officer sa lugar at may problema rin sa scaffolding at sa linya ng kuryente roon.
GUMUHONG GUSALI SA ANGELES, DATI NANG IPINAHINTO NG DOLE
Matapos ang isang buwan, sumunod naman ang kompanya sa mga patakaran kaya tinanggal din ang stoppage order.
Dahil sa trahedya, sinuspinde nitong Martes, May 26, ni DOLE Secretary Francis Tolentino si Panlilio.
Isinalalim sa isang buwang preventive suspension ang direktor upang bigyang-daan ang isang transparent investigation sa naganap na pagguho.
Ito’y matapos makumpirma ng mga awtoridad na apat ang nasawi, at labing-pitong katao pa ang hindi nakikita matapos ang insidente.
Samantala, mabilis na nagpaabot ng tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga apektadong manggagawa at sa kanilang mga pamilya.
Sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na magbibigay sila ng tig-P10,000 cash relief assistance para sa mga biktima.
Mayroon ding sustainable livelihood assistance na nakalaan para sa mga pamilyang nawalan ng hanapbuhay dahil sa trahedya.

