Ibinunyag ng Parish Rector na si Rev. Fr. Jose Rodel Ponce ang umano’y anomalya tungkol sa mga ‘Ghost Priests’ sa Hagonoy, Bulacan.
Ayon sa kura, mayroong naganap na iregularidad sa pondo ng munisipyo para sa nakalipas na thanksgiving celebrations noong buwan ng Abril.
Ipinakita ng pari sa Facebook Live habang nasa misa sa National Shrine and Parish of St. Anne, ang mga opisyal na dokumento mula sa Commission on Audit Treasurer’s Office at record section.
Batay sa mga ulat, naglabas ang lokal na pamahalaan ng daan-daang libong piso para sa stipend o bayad sa mga paring nagmisa.
Dahil dito, kinuwestiyon ng paroko ang dokumento dahil hindi naman umano nakarating sa kanila o sa simbahan ang nasabing malaking halaga ng pera.
Sa mga hawak na rekord ng parish rector, lumilitaw na daang-daang libong piso ang ibinayad para sa tatlong araw na Novena o Triduo.
Umaabot sa P40,000 ang ginastos sa Triduo ngunit wala naman itong maayos na liquidation o opisyal na ulat.
Nakasaad din sa dokumento na may sampung pari raw ang nagmisa at nakatanggap ng tig-P10,000 bilang stipend.
Maliban pa rito, may sampung “co-celebrants” o mga sumamang pari na binayaran din umano ng tig-P10,000.
Habang tumanggap naman daw ng P20,000 ang mismong “celebrant” o ang pari na nagmisa.
Mariing pinabulaanan ng parish rector na tumanggap ang simbahan ng anumang pera para sa selebrasyon sa mga nakalipas na taon.
Aniya, walang sampung pari ang nakilahok sa mga nagdaang pagdiriwang na ginanap sa kanilang bayan.
Dagdag pa niya, palaging transparent o bukas ang kanilang simbahan pagdating sa lahat ng nalilikom na donasyon at pera.
Labis na ikinalungkot ng pari ang pangyayari dahil ginagamit umano ang simbahan at ang kanilang patron na si Santa Ana sa pansariling interes.
Samantala, habang isinusulat ang balitang ito ay walang pang inilalabas na official statement ang mga awtoridad patungkol sa isyu ng mga naturang ‘Ghost Priests’ sa Hagonoy.

