Bagama’t inuulan ng mga kilos protesta at pambabatikos sa social media, patuloy pa rin ang pamahalaan sa pagpaplano para sa pagpapatayo ng ‘Pax Silica.’
Nakatakdang itayo sa New Clark City sa Capas, Tarlac ang naturang Artificial Intelligence o AI hub na ito.
Dahil dito, maraming residente ang nangangamba dahil sa posibleng epekto nito sa kalikasan at sa kanilang pangkabuhayan.
92 MAGSASAKA AT RESIDENTE SA CAPAS, APEKTADO UMANO NG PAGPAPATAYO NG PAX SILICA
Hindi umano bababa sa 92 magsasaka sa Barangay O’Donnell sa Capas ang nakatanggap na ng abiso para lisanin ang lupa.
Sa panayam ng CLTV36 News kay Barangay Captain Wendelle Mercado, kinumpirma niyang naipamahagi na sa mga apektadong residente ang mga nasabing notice para lisanin ang lugar.
Samantala, paliwanag ni Palace Press Officer Claire Castro, nakalaan na bilang “buildable zone” ang 3,500-hectare area ng New Clark City mula pa noong 2019.
Kaya naman, hindi aniya maaapektuhan ang sektor ng agrikultura sa pagpapatayo ng Pax Silica.
PAX SILICA, MALAKI UMANO ANG MAITUTULONG SA EKONOMIYA NG BANSA
Sa kabila ng mga pangamba ng mga mamamayan, iginiit ng pamahalaan na malaki ang maitutulong ng Pax Silica sa ekonomiya ng bansa.
Kaya naman kamakailan, lumagda sa isang partnership agreement ang BCDA o Bases Conversion and Development Authority at SBMA o Subic Bay Metropolitan Authority.
Ang nasabing partnership ay upang gawin umanong pangunahing port gateway ang Subic Port para sa supply chain ng Pax Silica.
Sa ilalim ng kasunduan, magkasamang magsasagawa ng mga pag-aaral at pagsusuri ang dalawang ahensya upang mapalakas ang kapasidad ng port.
Bukod dito, magbabahagi rin sila ng data upang magbukas ng mas malalaking oportunidad sa pag-unlad sa Luzon Economic Corridor.
PAGTATAYO NG PAX SILICA, WALA UMANONG MAAAPEKTUHANG MAGSASAKA AYON SA MALACAÑANG
Siniguro rin ng Malacañang na bukas ang BCDA sa patuloy na konsultasyon sa mga local government units (LGUs), mga ahensya, at mga residente upang maayos ang anumang isyu o alalahanin kaugnay ng proyekto.

