Muling naibalik ang kumpiyansa sa sarili ng 44 na pasyente sa San Antonio District Hospital sa Nueva Ecija matapos ang Surgical Caravan o libreng gamutan ng Pamahalaang Panlalawigan.
Sa pamamagitan ng programang ito ng Provincial Health Office, sa ilalim ng pamumuno nina Governor Aurelio “Oyie” Umali at Vice Governor Gil Raymond “Lemon” Umali, natuldukan din ang maraming taon ng kanilang pagtitiis sa sakit.
May kabuuang 42 minor at 2 major surgery ang isinagawa sa nasabing hospital.
Halos 22 taon na dinadala ni Ernesto Flores mula San Antonio, ang cyst sa kanyang tiyan.
Dahil sa patuloy nitong paglaki, nakaramdam siya ng hiya tuwing may nakakakita sa kanyang bukol sa katawan.
Ngunit dahil sa tulong ng Surgical Caravan, naipatanggal na niya ito nang walang ginastos kumpara sa mahal na pribadong ospital.
Mula naman sa Jaen, tatlong taon ding nagtiis si Eva Santos sa kumikirot na bukol sa kanyang talampakan.
Nagsimula aniya ang kanyang bukol nang matinik siya ng kulitis na hindi agad nakuha hanggang sa ito ay bumukol na.
Pagkatapos niyang makita ang post sa Facebook tungkol sa libreng gamutan, agad siyang nag-abang at nagpaopera upang makalakad nang maayos.
Pitong taon namang naging balakid sa kumpiyansa sa sarili ni Gaudencio Reyes mula Jaen, ang bukol sa kanyang noo.
Nahihiya umano siya sa kanyang mga nakakasalamuha kaya naman laking pasasalamat niya nang matanggal na ang bukol sa kanyang ulo.
Samantala, matagumpay ding naipatanggal ni Christian Mangunay mula sa Cabiao, ang kanyang lymphoma na nakuha sa madalas na paghiga sa malamig na sahig.
Aniya, dahil sa matagumpay na operasyon, magiging mas komportable na siyang magbuhat ng mga gamit nang walang anumang alalahanin sa kalusugan.

