Azolla farm ang naging susi sa pagbabago ng buhay ng dating factory worker sa Laguna na si Alvin Villamar ng Barangay Banitan, Guimba, Nueva Ecija.
AZOLLA FARM, NAGING ALTERNATIBONG KABUHAYAN NG DATING FACTORY WORKER
Iniwan niya ang halos limang taong trabaho sa paggawa ng ATM machines. Sa halip, pinili niyang sundan ang hilig sa pagsasaka at pag-aalaga ng hayop.
Ayon kay Villamar, maayos ang kanyang sahod noon. Gayunpaman, hindi nawala ang kagustuhan niyang bumalik sa bukid.
Dito siya lumaki at ito rin ang pangunahing ikinabuhay ng kanilang pamilya, ngunit dahil sa pabago-bagong presyo ng palay at gulay, naghanap siya ng ibang paraan.
Pinasok niya ang pag-aalaga ng iba’t ibang hayop sa bukid, ngunit dahil sa mahal ang feeds ay nagsimula siyang maghanap ng mas murang alternatibo.
AZOLLA FARM, NAKATULONG SA PAGBABAWAS NG GASTOS
Sa pamamagitan ng sariling pananaliksik, nadiskubre niya ang Azolla. Isa itong aquatic fern na mayaman sa protina. Ginagamit din ito bilang alternatibong pakain sa livestock.
Noong 2021, nagsimula lamang siya sa maliit na lalagyan, kalaunan, pinalawak niya ito at nabuo ang mas malaking Azolla pond.
Sa kasalukuyan, nagsusuplay ito ng pagkain sa kanyang mga manok, bibe, baboy, kambing, at iba pang alaga. Dahil dito, malaki ang nabawas sa kanyang gastusin.
Aniya, mula sa halos P30,000 na buwanang gastos sa commercial feeds, bumaba ito sa humigit-kumulang P5,000 hanggang P7,000.
Dahil dito, mas lumaki ang natitipid niyang puhunan. Nagkaroon din siya ng dagdag na pondo para sa pagpapalawak ng kanyang sakahan.
NEGOSYO SA PAG-AALAGA NG HAYOP, LUMAWAK DAHIL SA AZOLLA
Bukod sa pagtitipid, gumawa rin si Villamar ng Azolla-based pellets na ibinebenta niya sa kapwa magsasaka.
Bukod dito, nagpapadala rin siya ng produkto sa iba’t ibang bahagi ng Luzon, Visayas, at Mindanao.
Habang dumarami ang mga bumibili, lalo ring lumawak ang kanyang merkado. Dahil dito, patuloy na lumalaki ang demand sa kanyang mga produkto.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Villamar na kumikita na ang kanyang Azolla farm ng P2, 000 hanggang P3, 000 kada araw.
Dahil sa negosyong ito, nabayaran niya ang dati niyang mga utang. Napaayos din niya ang kanyang sakahan.
Higit sa lahat, hinihikayat niya ang iba pang magsasaka na pag-aralan ang Azola bilang alternatibong pakain.
Aniya, makatutulong ito upang mapalaki ang kita at mabawasan ang gastos sa pag-aalaga ng mga hayop.

