Inaasahang magbibigay ng kaginhawan sa mga guro at mag-aaral sa Bulacan ang 67.93-kilometer Doña Remedios Trinidad o DRT-Dingalan Bypass Road.
Ayon sa pahayag ng Department of Education, nalutas na ang matagal na hirap ng mga guro at mag-aaral.
Ang bagong daan kasi ay magsisilbing koneksyon para sa mga liblib na lugar o Last Mile Schools sa Bulacan.
DRT-DINGALAN BYPASS ROAD, KONEKSYON NG MGA PAARALAN NA NASA LIBLIB NA LUGAR
Kabilang sa mga nakinabang sa proyekto ang Talamsi I, Talamsi II, Kalawakan, at Kambubuyugan Elementary School sa Doña Remedios Trinidad.
Kwento ng isang mag-aaral sa interview ng DepEd Philippines, dati ay nagtitiis sila sa maputik at mapanganib na daan papunta sa kanilang mga klase.
Ang mahirap na biyahe noon ay madalas ding nagiging sanhi ng pagliban sa klase at pagkaantala sa pag-aaral ng mga bata.
DRT-DINGALAN BYPASS ROAD, MAHALAGA SA PAGKATUTO NG MGA MAG-AARAL
Ngunit, sa pamamagitan ng DRT-Dingalan Bypass Road, mas madali at ligtas nang makakarating ang mga guro at mag-aaral sa kanilang klase.
Samantala, kamakailan ay binisita at ininspeksyon ng mga opisyal mula sa DepEd ang mga Last Miles Schools sa Bulacan.
Layunin ng kanilang pagbisita na suriin ang naging epekto ng bagong kalsada sa kaligtasan at attendance ng mga mag-aaral.
DISTANSYA, HINDI HADLANG SA EDUKASYON
Ayon sa naging pahayag ni Education Secretary Juan Edgardo Angara sa Facebook post ng DepEd Philippines, mahalagang alisin ang mga physical barriers sa pagkatuto ng mga bata.
Sa pamamagitan ng pamumuhunan sa imprastraktura, sinisiguro ng pamahalaan na hindi hadlang ang distansya at lokasyon sa edukasyon ng mga kabataan.

