Ipinamalas ng isang Fire Inspector mula Tarlac ang kabayanihan, malasakit, at mabilis na pagresponde sa isang emergency sa bansang Japan.
Kamakailan, tumulong si Fire Inspector (FINSP.) Vijoan Yumul, sa pagligtas ng isang bata.
Ang dalawang taong gulang na batang lalaki ay aksidenteng nahulog sa riles habang paparating ang mabilis na tren.
FIRE INSPECTOR MULA TARLAC, DUMALO SA IFCAA
Bago nangyari ang aksidente, kagagaling lang ni Yumul kasama ang iba pang Filipino Delegates sa event ng International Fire Chief’s Association of Asia o IFCAA sa lungsod ng Nagoya.
Sumakay sila sa bullet train patungong Kyoto nang biglang marinig ang malakas na sigaw ng isang ina sa istasyon.
Noong una ay akala ng grupo na bag lamang ang nahulog ngunit bata pala ang nasa riles.
FIRE INSPECTOR MULA TARLAC, AGAD NA TUMULONG SA BATANG NAHULOG SA RILES NG TREN
Dahil sa matinding panganib, mabilis na humingi ng saklolo ang mga Pilipino sa mga guwardiya ng train station.
Sinubukan din ni Yumul na abutin ang kamay ng bata habang paalis ang isa pang mabilis na tren.
Isang lalaking Japanese naman ang tumulong sa kabilang kamay ng biktima hanggang sa ligtas itong nakuha sa ibaba.
Matagumpay na nailigtas ang umiiyak na bata at wala naman itong nakuhang malubhang pinsala sa kanyang katawan.
Samantala, halos hindi na umano makatayo ang takot na ina dahil sa matinding pag-aalala sa anak noong oras na iyon.
FINSP. YUMUL, KASALUKUYANG NAGTATRABAHO SA BFP R2
Ang grupo ng mga Filipino Delegates ay nasa Japan para sa tatlong araw na pagdalo sa mga aktibidad ng IFCAA.
Sa kasalukuyan, ang fire inspector mula Tarlac na si Vijoan Yumul ay nagtatrabaho sa Bureau of Fire Protection o BFP Region 2.

