HIGIT ₱1-MILYONG TROSO: Inaresto ang dalawang katao sa anti-illegal logging operation ng Philippine National Police sa Brgy. Inyawan, Libertad noong Abril 20, 2026. Isinagawa ang operasyon sa pangunguna ng mga pulis mula sa Libertad Municipal Police Station at Antique Police Provincial Office.
Nakipag-ugnayan din ang pulisya sa Community Environment and Natural Resources Office para sa operasyon.
Ayon sa ulat, nahuli ang dalawang lalaking suspek dahil sa paglabag sa Presidential Decree No. 705 o Forestry Code. Kinasuhan din sila sa ilalim ng Republic Act No. 10591 o Illegal Possession of Firearms.
ANTI-ILLEGAL LOGGING OPERATION, PINAIGTING NG PNP
Nasamsam sa lugar ang iba’t ibang uri ng troso tulad ng mahogany, kansilay, ughayan, at iba pang kahoy.
Umabot sa 13,680 board feet ang kabuuang volume ng nakumpiskang troso.Tinatayang nagkakahalaga ito ng mahigit ₱1,026,000. Narekober din sa operasyon ang isang caliber .38 revolver.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang mga suspek at ebidensya para sa kaukulang kaso.
HIGIT ₱1-MILYONG TROSO, BARIL NASAMSAM SA ANTI-ILLEGAL LOGGING OPERATION SA ANTIQUE
Ayon kay PNP Chief Jose Melencio C. Nartatez Jr., bahagi ito ng pinaigting na kampanya laban sa environmental crimes.

