Patuloy ang pamamahagi ng P20 kada kilo ng bigas sa Nueva Ecija sa ilalim ng programa ng Department of Agriculture (DA) at Food Terminal Incorporated (FTI), katuwang ang National Food Authority bilang supplier.
Ayon kay Maria Luisa L. Luluquizen, Branch Manager, Nueva Ecija Branch Office ng NFA, di-umano ay nililimitahan muna sa 10 kilo kada benepisyaryo ang pagbili upang mas maraming mamamayan ang makasabay habang minamanage ang kasalukuyang suplay.
Gayunman, ipinaliwanag ng NFA na kinakailangan ding maglaan ng buffer stock para sa mga programang pang kalamidad ng Department of Social Welfare and Development at mga lokal na pamahalaan.
Samantala, pinuri naman ni Luluquisen ang ginagawang pagtugon ni Governor Aurelio “Oyie” M. Umali, sa programang P20 kada kilo ng bigas na inihahatid sa bawat barangay ng bawat bayan at lungsod sa buong lalawigan ng Nueva Ecija.
Hinihikayat din ang mga magsasaka na ipagbili ang kanilang palay sa NFA upang mapanatili ang sapat na suplay ng bigas sa bansa.
Sa kabila ng mga hamon, tiniyak ng pamahalaan na magpapatuloy ang programa hanggang 2028 bilang bahagi ng food security efforts.

