Isinusulong ni Senador Bam Aquino ang pagtapyas sa VAT. Sa pamamagitan ng kanyang panukala inaasahang mapapababa ang Value-Added Tax mula 12% patungong 10%.
Layunin nitong maibsan ang tumataas na gastusin ng mga manggagawa at middle class. Ito’y sa gitna ng pagtaas ng presyo ng bilihin at langis.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2047, target na mapababa ang presyo ng mga pangunahing bilihin, serbisyo, at produktong petrolyo.
Ayon kay Aquino, magsisilbi itong agarang tulong pinansyal at magpapataas sa tunay na halaga ng sahod nang hindi na kailangan ng salary increase.
Dahil tila napag-iiwanan aniya ang middle class sa mga umiiral na programa ng pamahalaan.
Ito’y mga pamilyang may dalawang minimum-wage earners na nahihirapan nang makasabay sa taas ng gastusin. Dahil kumikita lamang sila ng ₱30,000 hanggang ₱36,000 kada buwan.
Ang 2% na ibabawas sa VAT ay dinisenyo para lumikha ng “ripple effect” sa buong ekonomiya. Mula groceries hanggang pamasahe at kuryente, layon nitong patatagin ang spending power ng mga konsyumer.
Bukod sa murang presyo, magkakaroon ng kakayahan ang mga pamilya na matustusan ang iba pa nilang pangangailangan. Ito’y makatutulong naman sa mga lokal na negosyo, at sa pagpapasigla ng ekonomiya.
Agaran ang ginhawang hatid nito. Ngunit giit ng senador, dapat tiyakin ng pamahalaan na maayos ang koleksyon at paggamit ng buwis. Dahil kung hindi ay masasayang lang ito.

