Pekeng LPG Cylinders — Arestado ang limang indibidwal sa Mariveles, Bataan matapos madiskubre ng mga awtoridad ang umano’y iligal na pagre-refill at pag-alter ng LPG cylinders sa isang operasyon.
Batay sa ulat ng Police Regional Office 3, nadiskubre ang aktwal na operasyon ng mga suspek matapos ang buy-bust na isinagawa ng mga awtoridad.
Nasamsam ang daan-daang tangke ng LPG, isang delivery truck, at mga kagamitang ginagamit sa resealing na may kabuuang halagang tinatayang ₱4.5 milyon.
Nagbabala ang pulisya na ang ganitong uri ng iligal na aktibidad ay nagdudulot ng seryosong panganib, kabilang ang posibilidad ng sunog at pagsabog na maaaring makapinsala sa buhay at ari-arian.
Ayon sa Philippine National Police, bahagi ang operasyon ng mas pinaigting na kampanya laban sa mga gawaing banta sa kaligtasan ng publiko.
Hinikayat din ang mga mamamayan na maging mapagmatyag at agad i-report ang anumang kahina-hinalang aktibidad kaugnay ng LPG distribution.

