Modular cold storage ang itinurn-over ng Department of Agriculture (DA) sa pamahalaang lokal ng Dinalupihan, Bataan. Ito ang kauna-unahang pasilidad sa bansa na pinatatakbo gamit ang solar at wind-powered energy system para sa postharvest operations.
Ang pasilidad ay bahagi ng Fiscal Year 2025 Cold Storage Expansion Program na pinondohan ng Agricultural and Fisheries Logistics Office.
May kabuuang project cost ito na P14,625,000 para sa pagpapatayo ng nasabing modernong imbakan ng mga ani sa lalawigan.
Ang unit na ito ay isang containerized system na may kapasidad na 9 hanggang 10 metric tons para sa mga magsasaka. Bukod dito, ang pasilidad ay gumagamit ng hybrid renewable energy system na pinagsamang solar at wind power para gumana.
Dahil dito, masisiguro ang tuluy-tuloy na refrigeration habang pinapababa ang gastos sa kuryente at nakatutulong pa sa kalikasan. Idinisenyo ang modular cold storage para sa multi-commodity use gaya ng mga gulay, prutas, at iba pang high-value crops.
Sa pamamagitan nito, maiiwasan ang kontaminasyon ng mikrobyo at moisture loss na kadalasang dahilan ng pagkalugi ng mga lokal na magsasaka.
Ang pagkakaroon ng cold storage ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga magsasaka na i-regulate ang timing ng market release.
Sa madaling salita, maiiwasan na ang distress selling o pagbebenta ng mura dahil lamang sa takot na mabulok ang mga pananim at ani.

