Muling nararanasan sa ilang bahagi ng Nueva Ecija ang panahon ng gawat, kung kailan pansamantalang humihina ang kita ng mga magsasaka habang naghihintay ng susunod na anihan.
Dahil dito, hindi lamang mga magsasaka kundi maging ang mga manggagawang bukid, maliliit na negosyante, at ilang mamimili ang nakararanas ng epekto ng mabagal na sirkulasyon ng pera sa mga komunidad.
Ayon sa mga magsasaka, malaking hamon ang panahong ito dahil limitado ang pinagkukunan ng kita bago muling makapag-ani.
Samantala, inaasahan naman ng sektor ng agrikultura na makatutulong ang mga programa ng pamahalaan upang mabawasan ang epekto ng gawat at masuportahan ang kabuhayan ng mga apektadong pamilya.
Ayon kay Dr. Jason L. De Guzman, ipinatutupad ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Food Council, alinsunod sa direktiba ng Pangulo at sa pangunguna nina Governor Aurelio “Oyie” M. Umali at Vice Governor Gil Raymond “Kuya Lemon” Umali, ang mga programang pamamahagi ng vegetable seed kits, pamamahagi ng libreng bigas at paghahatid ng P20 kada kilong bigas sa bawat barangay upang makatulong sa mga pamilyang apektado ng gawat.

