Inihain ng mga lider ng Kamara ang House Bill No. 9965 o ang proposed Children’s Social Media Safety Act na naglalayong patawan ng hanggang P50 milyong multa ang mga social media platforms na mabibigong magpatupad ng child online safety standards.
HB 9965, INIHAIN KASUNOD NG SCHOOL SHOOTING SA TACLOBAN
Ang panukala ay pinangunahan nina Isabela 6th District Rep. Faustino “Bojie” Dy III at Majority Leader Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos. Isinusulong ang batas kasunod ng naganap na shooting incident sa isang paaralan sa Tacloban City kung saan sangkot ang dalawang mag-aaral na nasa Grade 9 na edad 14 at 15. Dahil sa insidente, naging malaking usapin ang exposure ng mga kabataan sa karahasan sa video games at social media.
PAGGAMIT NG SOCIAL MEDIA NG MGA BATANG EDAD 12 PABABA, IPAGBABAWAL
Sa ilalim ng panukala, ipatutupad ang isang clear age-based regulatory framework. Mahigpit na ipagbabawal ang paglikha at paggamit ng social media accounts ng mga batang edad 12 pababa. Obligado ang mga tech companies na maglatag ng reliable age verification systems at agad na i-disable ang mga prohibited accounts.
PARENTAL CONSENT AT SUPERVISION TOOLS, MANDATO PARA SA EDAD 13 HANGGANG 17
Para naman sa mga menor de edad na 13 hanggang 17 taong gulang, papayagan lamang silang magkaroon ng account kung may verifiable consent at aktibong pagbabantay ng magulang o guardian. Mandato rin sa mga platform na bigyan ang mga magulang ng supervision tools tulad ng pagmomonitor ng online activity, privacy settings, at pagtatakda ng screen time limits.
REGULASYON SA MAPANLINLANG NA ALGORITHMS AT PANGONGOLEKTA NG DATA, HIHIGPITAN
Hihigpitan din ng panukala ang regulasyon sa mga algorithms upang maiwasan ang pagrerekomenda ng mga mapanganib na content, manipulasyon sa mga bata, at pagpapakita ng mga misleading o artificially altered content gaya ng deepfakes. Ipagbabawal din ang hindi otorisadong pangongolekta ng biometric at sensitibong personal na data ng mga bata.
MULTANG HANGGANG ₱50-M AT POSIBLENG TOTAL BAN SA PILIPINAS, KAKAHARAPIN NG LALABAG
Kakaharapin naman ng mga lalabag na kumpanya ang mabibigat na parusang administratibo. Ang hindi pag-aksyon sa pagpapasara ng mga ipinagbabawal na account ay may multang P5 milyon hanggang P10 milyon. Samantala, ang paglabag sa mga platform obligations at safety enforcement ay may parusang P20 milyon hanggang P50 milyon.
Bukod sa multa, maaari ding patawan ng temporary restriction of access o tuluyang pagbabawal na mag-operate sa Pilipinas ang mga social media platforms na magkakaroon ng paulit-ulit at seryosong paglabag, subject sa due process. Ang Department of Information and Communications Technology o DICT ang siyang makatatanggap ng mga regular transparency reports mula sa mga kumpanya.

